Ang naturang lugar ay idineklara din bilang bahagi ng bufferzone ng Mt. Palay palay - Mataas na Gulod Forest Reservation/National Park, (Proclamation No. 1594). Bilang isang deklaradong lugar para sa konserbasyon ng likas na yaman at turismo, ang Ternate ay hindi dapat pahintulutang malapastangan, bagkus ito ay patuloy na dapat maproteksyunan. Kasabay nito, ang Ternate ay naitalaga bilang Environmentally Constrained Area, ayon din sa Provincial Developmental Plan ng Cavite. Ito ay nangangahulugan na hindi maaaring gumawa ng anumang aktibidades o proyekto na maaaring makaapekto o makapagpabago sa natural na estado ng naturang lugar.
Idagdag pa dito ang katutuhanang ang lupa sa naturang lugar ay volcanic, na ang uring ito ay makakapagpalala lamang ng pagsira ng lining ng isang landfill, dahilan ng pagtagas ng mga nakalalasong katas ng basura. Kung sa gayon, ang Ternate ay hindi tugmang lugar para sa isang tambakan ng basura. At ayon din sa mga pag-aaral, tulad ng ginawa ng Unioted States - Environmental Protection Agency (US-EPA), kahit pa sa isang normal na uri ng lupa at mataas na kalidad ng liner, ang kahit anumang landfill ay magkakaroon ng pagtagas ng mga nakalalasong katas, dahil na din sa mga kemikal na dulot ng mga itinambak na basura.
Sa simpleng pagbaha sa mga kalsada ng Maynila at iba pang siyudad at ang paninisi ng mga tao sa mga basurang nakabara sa mga ilog at estero na siyang sanhi nito ay isa muling patunay na hindi na natin kailangang lumayo pa para makita at maramdaman ang mga maling gawain at kaugalian nating mga tao kugnay sa kalikasan.
Mula sa walang pakundangang pagmimina, pagtotroso, pagusunog ng mga panggatong ng mga industriya at sasakyan, mula sa pagtatapon mga dumi ng pabrika at residensyal sa mga ilog, lawa at sapa, hanggang sa simpleng pagtapon ng pabalat ng kendi sa labas ng dyipning ating sinasakyan, patuloy na sinisira nating mga tao ang ating kapaligiran. At sa bandang huli, dahil na rin sa ating pagkakaungay-ugnay, tayong mga tao muli ang tatamaan ng mga problemang ito at kadalasa’y buhay ng mga inosente ang kapalit.










Recent Comments